Maraming mga bagay ang dapat isaalang-alang bago pumasok sa pagtatayo ng sariling negosyo, maliit man ito o malaki. Siyempre hindi na tayo lalayo pa, mag pokus lang tayo sa Sari Sari Store para masaya. Sa nakaraan kong post ay naibahagi ko ang 9 Simple Tips in Starting a Sari-Sari Store. Isa sa mga ito ay ang Capital o ang Puhunan
na magtatakda kung anong uri ng paninda ang kaya mong maibenta. Kung ikaw ay magsisimula sa maliit na puhunan, kailangang isipin mo yung mga panindang mas mabilis mabenta. Pangunahin na diyan ay iyong mga gamitin sa araw-araw. Mas mainam kung gagawa ka ng listahan bago ka magtungo sa pinakamalapit na whole saler sa inyong lugar. Ang mga susunod na items ay maaaring makatulong sayo sa pagpapasya.
Must Have Items when Starting a Sari Sari Store
1. Instant Hot Beverage Powder
Maraming Pilipino ang mahilig uminom ng kape lalo na sa umaga para mainitan ang sikmura. Ang iba naman ay gusto ng gatas o kaya mainit na tsokolate. Masarap itong ipartner sa pandesal. Ang mga inuming ito ay isa sa mga mabenta sa umaga dahil bukod sa madaling iprepara ay mura din. Ang iba nga ay sa gabi pa lang ay bumibili na nito para kinabukasan ay hindi na mahihirapang maghagilap lalo na kung sarado pa ang mga tindahan.
2. Condiments
Ang iba ay hindi trip ang pa-kape kape lang sa umaga. Hindi sapat para sa iba ang mainitan ang sikmura kasabay ng tinapay. Ang iba ay gusto ng nilutong pagkain at yung iba ay nagbabaon pa. Kaya, dapat meron kang naka-ready na mga pampalasa o mga condiments. Swerte kung malapit sayo ang mga kainan o karinderya, iyon nga lang kadalasan ay bumibili na sila sa palengke. Pero atleast meron kang pang reserba kung sakaling maubusan sila.
3. Hygienic-Purposes Items
Siyempre tapos ng kumain, oras na para sa hygiene marathon lalo na yung mga pumapasok sa eskwela at trabaho. Alam kong naiisip mo na ang mga items na ito tulad ng sabon, shampoo, deo-lotion, alum o yung tawas, gel sa buhok, napkin, tooth paste at toothbrush. Pwede ka ring magdagdag ng items gaya ng powder o pulbos at siyempre pabango kung sakaling walang malapit na pharmacy sa inyo. Kung maliit lang ang puhunan eh yung mga pinakapangunahin na lang.
4. Biscuits and Cupcakes
Mahilig magbaon ang mga bata na inilalagay nila sa kanilang lunchbox. Ang totoo minsan pati mga matatanda pa nga. Ang ibang mga magulang nga ay nagbibigay talaga ng panahon na makapaghanda ng masustansyang baon bago pumasok sa eskwela ang kanilang mga anak.Ang iba naman dahil wala ng time ay diretso na lang sa tindahan at doon na bibili ng baon. Sa ilang taon kong nagtindahan, hindi nawawalan ng bumibili ng biskwit o kaya yung mga malalambot na cupcakes. Ang kagandahan nito, hindi lang pambata kundi pang matanda din na nais makatipid. Sa mga diet-dietan kuno ay pasok din ito sa banga.
5. Candies and Cheap Snacks
Sino ba ang aayaw sa matatamis maliban sa akin?? Marami ang mga tinatawag na may Sweet-Tooth kaya hindi pwedeng mawala ito sa tindahan. Yung iba ay ginagawa din itong pantanggal ng umay pagkatapos kumain kaya pak na pak magbenta. Mas masaya kapag marami ng klase ng candy na mapagpipilian si suki, mas kaakit-akit pa ito sa tindahan mo. Kailangan lang eh kunin mo yung mga kilalang brand ng kendi para mas mabilis mabenta. Tapos saka ka na lang magdagdag ng iba pang hinahanap sayo, utay-utay lang. Tandaan, yung mga nagtitinda nga sa bangketa ng sigarilyo ay may kendi din. Kung iisipin mo, yun lang ang tinitinda nila pero kahit paano ay may pangtawid gutom parin, ikaw pa kayang nasa isang pwesto lang? Mura lang naman ang kendi lalo na pag wholesale ang price kaya hindi ka magsisi na bilhin ito basta huwag mo lang siya i-expose sa matinding sikat ng araw at ilayo sa mga langgam. Magandang pang palamuti din ito lalo kapag iba-ibang kulay. Pwede ka din magdagdag ng kaunting chicha o chicherya na halagang piso isa. Pamparami din siya.
6. Can Goods
Mga pagkaing nasa lata katulad ng sardinas ay isa sa mga hindi dapat mawala sa tindahan mo. Katulad din ito ng candy na pang palamuti at pamparami tingnan. Isa rin ito sa mga pang masang pagkain at kakainin na lang. Dagdagan lang ng kalamansi at talo-talo na. Mas magandang maraming pagpipilian kahit padalawa-dalawa lang para magmukhang marami kunwari. Tapos magdagdag na lang ulit.
7. Instant Related Items
Ang mga kape at mga powdered drink ay kasama sa category na ito. Maraming klase ng instant na paninda katulad ng noodles, juice powder at iba pa. Pwede ka ding magdagdag ng softdrinks kung may budget ka. Kailangan mo din kasing magdeposito para sa bote. Swerte mo na lang kung may mag-alok sayo na dealer ng softdrink na ipinahihiram yung bote. Ngunit masasabi kong malaking tulong din ito para kumita ka. Umulan at umaraw kasi ay may umiinom nito. Kung maliit lang ang puhunan mo eh maghintay ka lang muna na mapaikot mo ang kita mo sa pagtitinda tapos saka ka bumanat sa pagbenta nito para hindi ka mabigla.
Importanteng alam mo kung anu-ano ang mga mabenta sa tindahan mo. Pwede kang mag ksperimento at obserbahan mo kung gaano kabilis ito mabenta. Kailangan malaman mo kung ano ang hinahanap ni suki sayo at tandaan ito para sa susunod na pagbili mo eh makapagsama ka nito kahit ilang piraso lang. Gusto mo ay isulat mo pa ito para hindi mo makalimutan. Si suki kasi ang makakatulong sayo kung ano ang mga bibilhin mo sa susunod.
No comments:
Post a Comment